Monday, August 20, 2007

Buhay FM Radio


12:51 na ng umaga ngayon, Lunes. Walang pasok! (Seven days in a row!)


Bakit walang JAM 88.3 ngayon? Paboritong istasyon ko 'to kasi dito pinapatugtog ang mga hindi masyadong sikat na kanta pero magaganda (sa tingin ko lang naman) gaya ng Samson (ni Regina Spektor) at Sophia (ni Nerina Pallot). Lipat na lang muna sa ibang istasyon.


Oo, marami-rami rin akong mga kantang pwedeng patugtugin sa Windows Media Player. Pero ewan kung bakit gustung-gusto kong marinig sa FM ang mga kantang yun na pwede ko rin namang patugtugin sa player ko. Katulad nitong kasalukuyang pinapatugtog sa isang istasyon (sa pagitan ng 91 MHz at 94 MHz -- antigo na kasi yata itong radyo sa kwarto ko kaya ganito, di mo malalaman ang eksaktong istasyon) na Superman (ng Five for Fighting). Meron ako nito sa player. Siguro nagugustuhan ko lang ang ideya ng pagiging random ng mga bagay-bagay sa FM. Kahit pwede rin namang i-shuffle sa Media Player, mas masaya pa rin sa FM kasi hindi nalilimitahan ang pwede kong pakinggan. Minsan, yung susunod na kanta ay hindi swak sa pandinig ko. Kaya kapag ayaw ko sa isang istasyon, pwede kong ilipat sa iba at maghanap ng mas maganda.


Ang buhay ko parang FM Radio. Gusto ko na random ang mga pangyayari sa buhay ko at hindi naka-plano. Basta kung ano lang ang dumating. Gusto ko yun para lagi akong nasosorpresa. Pero hindi naman maiiwasang sa pagiging random ng buhay ko, may bigla-biglang dumarating na hindi ko gustong mangyari. Napapaisip ako kung maganda kaya ang kinalabasan kung pinagplanuhan ko. Pero hindi, kailangan kong panindigan. Sana lang katulad sa FM Radio, pwede ko ring ilipat sa ibang istasyon na lang kapag ayoko ng mga pangyayari sa kasalukuyang istasyon ng buhay ko.


Pero napansin ko, sa tuwing maghahanap ako ng ibang istasyon, parang mas gusto na lang bumabalik sa dati --
JAM 88.3.

No comments:

Post a Comment